Tricycle driver, patay sa pamamaril sa Iloilo City

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at May 24 2020 08:11 PM

ILOILO CITY - Patay ang isang 44 anyos na tricycle driver matapos barilin ng mga nakamotorsiklong salarin Sabado ng gabi sa Barangay Zone 4 Balabago Jaro sa Iloilo City.

Kinilala ang biktima na si Ricky Jinon, residente ng Barangay San Isidro.

Nakuhanan ng CCTV ang insidente, kung saan makikitang sinundan ng dalawang taong nakasakay sa motorsiklo ang biktimang nakasakay naman sa kaniyang tricycle.

Nakita rin ang paglabas ng mga salarin ilang minuto matapos barilin si Jinon sa liblib na bahagi ng lugar. 

Itinakbo pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa tiyan at dibdib.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na may dating nakaalitan ang biktima at isa ito sa mga tinitingnang motibo sa pamamaril.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.