PatrolPH

Relief packs handog ng Caritas Manila sa 900 residente ng Quezon City

ABS-CBN News

Posted at May 24 2020 03:26 PM

Relief packs handog ng Caritas Manila sa 900 residente ng Quezon City 1
Daan-daang residente ng Barangay Valencia, Quezon City ang nabigyan ng relief pack ng non-profit organization na Caritas Manila. ABS-CBN News

MAYNILA — Aabot sa 900 residente ng Barangay Valencia, Quezon City ang nabigyan ngayong Linggo ng relief pack ng Caritas Manila.

Limang kilong bigas, mga de-latang sardinas, noodles at tuyo ang laman ng mga "manna bag" na ipinamahagi ng Caritas Manila bilang tulong ngayong panahon ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ang Caritas Manila ang socio-civic organization ng Simbahang Katolika na nagbibigay ng tulong sa panahon ng mga kalamidad sa mga mahihirap na mamamayan.

"Manna means bread from heaven," paliwanag ni Father Joey Mabborang, kura paroko ng Mount Carmel church na nakakasakop sa barangay, sa tawag sa ipinamahaging relief pack.

Bago simulan ang pamimigay, binasbasan ni Mabborang ang mga residenteng matiyagang nag-abang sa pila para makatanggap ng tulong.

"Ito po ay gawain ng simbahan na patuloy na umaagapay sa mga nahihirapan, ganoon din sa mga dumadanas po ng krisis," ani Mabborang.

Isa sa mga nakatanggap ng manna bag si Raymundo Vallejo, na nawalan ng trabaho sa pinapasukan niyang events company. 

"Naapektuhan 'yong pamilya ko lalo na kasi nasarado 'yong aming kumpanya. Siyempre paano natin matutustusan 'yong ating pangangailangan ng pamilya namin?" ani Vallejo.

Isa rin sa mga pumila para sa ayuda si Ella Acuña, na may asawang natanggal umano sa trabaho sa housekeeping ng isang call center.

"Wala kaming mapagkukuhanan ng panggastos," ani Acuña, na may 3 anak.

Bagaman parehong nakakuha ng tulong sa social amelioration program sina Acuña at Vallejo, biyaya pa rin ang tulong na hatid ng Caritas Manila.

Nagpapasalamat naman ang chairperson ng Barangay Valencia na si Julie Salmingo.

"Hindi kami pinapapabayaan ng simbahan. Napakalaking tulong po ito sa amin lalo na po sa mga na-lockdown," aniya. -- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.