PatrolPH

Pinay nurse sugatan sa artillery fire sa Libya

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 24 2020 04:03 PM

MAYNILA - Sugatan ang isang 60-anyos na Pinay nurse nang tamaan ng shrapnel mula sa artillery fire sa Libya nitong Sabado ng tanghali, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Ang nurse, nagtamo ng sugat sa balikat, ang ikatlo sa mga Pilipinong nasugatan sa patuloy na kaguluhan sa Tripoli na nagsimula mahigit isang taon na ang nakalilipas, ayon kay Philippine Embassy Chargè d’Affaires Elmer Cato.

Sumabog ang artillery round sa labas ng housing compound kung saan nanunuluyan ang naturang Pinay at iba pang kasamahang Filipino hospital workers, ayon sa DFA.

Pinayuhan ng embahada ang mga Pilipino sa Libya na manatiling alerto at mag-ingat sa mga lugar kung saan may mga ulat ng pagsabog at palitan ng putok.

Inaabisuhan din sila na manatili sa loob ng bahay o lumikas muna sa ligtas na lugar. 

Tinatayang nasa mahigit 1,000 ang mga Pilipino sa Tripoli at mga karatig-lugar, karamihan sa kanila ay nagta-trabaho sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.