Mga kabataan naghatid ng malinis na tubig sa bayang sinalanta ng bagyo sa Eastern Samar

ABS-CBN News

Posted at May 24 2020 05:25 PM | Updated as of May 24 2020 07:33 PM

 

Nagtulong-tulong ang isang grupo ng mga kabataan na makalikom ng pondong ipinambili nila ng malinis na tubig para sa mga residente ng Jipapad, Eastern Samar.

Kasalukuyang nasa ilalim sa state of calamity ang Jipapad matapos masalanta ng bagyong Ambo.

Mula noong Mayo 14, nangolekta ang grupo ni Kevin Ulysis Achay, residente ng bayan ng Taft sa parehong probinsiya, ng mga galon ng tubig at donasyon para sa Jipapad.

May mga kaibigan daw si Achay sa bayan at nang makita ang sinapit nito kasunod ng bagyo, naisipan nila ng kaniyang mga kaibigan na gumawa ng donation drive para makapaghatid ng tubig sa mga taga-Jipapad.

Matapos ang isang linggong pag-iikot, nakalikom ng higit P25,000 sina Achay, na ipinambili nila ng inuming tubig.

Lulan ng 2 van, narating noong Biyernes ng 17 kabataan, kasama si Achay, ang Jipapad dala ang higit 7,000 litro ng tubig.

Ikinuwento ni Achay na inabot ng halos 5 oras ang kanilang biyahe dahil matarik ang daan at muntik nang hindi makayanan ng mga truck dahil mabigat ang sakay na tubig.

Nagpasalamat naman si Jipapad Mayor Benjamin Ver sa grupo.

Sa kuwento ni Ver sa grupo, may mga residente na raw na nagkakaalipunga habang ang iba ay nagtatae dahil sa pag-inom ng maruming tubig mula sa gripo.

Ayon kina Achay, balak pa nilang bumalik para maghatid ng tulong sa mga taga-Jipapad.

Ilan daw sa mga pangangailangan ng mga taga-Jipapad ang polyethylene tarpaulin na gagamiting pansamantalang bubong ng mga nasirang bahay at bigas. -- Mula kay Dabet Panelo, Bayan Mo iPatrol Mo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.