PatrolPH

Lalaki sugatan matapos paluin ng baril ng nakaalitang siklista sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at May 24 2020 02:25 PM

Nagtamo ng sugat sa noo ang isang lalaki matapos hampasin ng baril ng nakaalitan niyang kapuwa siklista sa Quezon City nitong Sabado.

Ayon sa biktimang si alyas "Roberto," minamaneho niya ang kaniyang kotse kasama ang misis sa loob ng isang subdivision sa Barangay Kaligayahan para sana mag-deliver ng cake.

Naabutan umano nila "Roberto" ang isang matandang lalaki at batang lalaki na nagbibisikleta sa harap ng kanilang kotse.

Sinenyasan umano ni "Roberto" gamit ng headlights ang mga biker pero imbes na gumilid ang matandang biker, nagpa-zigzag pa ito ng takbo sa gitna ng kalsada.

Tumigil sa pagbibisikleta ang matandang lalaki nang muling mag-signal gamit ng headlights si "Roberto." Nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan nilang dalawa.

Nang magpapa-blotter na sa barangay, bumunot ng baril ang lalaki at hinampas ito sa ulo ni "Roberto."

Sa lakas ng hampas, dumugo ang ulo ni "Roberto." 

Pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng lalaking namalo gamit ng baril pero wala siya roon.

Ayon kay Elmer Castro, graveyard desk officer ng Barangay Kaligayahan, pababalikin nila sa Lunes ang biktima para magsampa ng pormal na reklamo laban sa suspek.

-- Ulat nina Fred Cipres at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.