Ilang barbershop, salon ipinakita ang safety protocols

ABS-CBN News

Posted at May 24 2020 06:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-inspeksyion ngayong Linggo ang Department of Trade and Industry sa ilang barbershop at salon sa Pasay City para makita ang mga inilatag na health and safety protocol laban sa COVID-19 sakaling payagang magbukas ulit.

Sa ilalim ng mga kasalukuyang patakaran, hindi pa rin pinapayagang magbukas ang mga salon at barbershop kahit sa mga lugar na nakasailalim sa general community quarantine (GCQ).

Sa unang salon na pinuntahan ng mga opisyal, ipinakita ng pamunuan na kailangan munang dumaan ng mga kostumer sa disinfecting foot mat.

Dapat ding kuhanan muna ng temperatura ang mga kostumer at mag-disinfect ng kamay.

Mahigpit ding susundin ang physical distancing sa paglimita sa bilang ng mga kostumer. Mula 10, 5 kostumer na lang ang tatanggapin "at a time."

Sa isa pang salon, required naman ang pagsuot ng mga kostumer ng disposable cape at gown.

Sa isang barbershop, nilagyan ng plastic barrier ang pagitan ng mga work station.

Sa lahat ng mga sinilip na salon at barbershop, pagsusuotin ng personal protective equipment ang mga stylist at barbero.

Inirerekomenda na rin ang pag-book ng appointment at online payment.

DINE-IN SA MGA RESTORAN

Sa isang restoran sa Pasay, nag-demo rin sa mga opisyal ang pamunuan at mga staff ng dine-in operation.

Sa ngayon kasi, takeout at delivery lang muna ang pinapayagan sa mga restorant.

Sa pinuntahang restoran, may hiwalay na area para sa mga naghihintay ng takeout order.

Nilagyan naman ng yellow marker ang mga hindi puwedeng upuan ng mga dine-in kostumer.

MULING PAG-OPERATE KINOKONSIDERA

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, nasunod naman ng mga nag-demo na salon, barbershop at restoran ang mga protocol na inilatag ng gobyerno.

Ayon kay Lopez, kinokonsidera nila ang pagpayag sa muling pag-operate ng mga establisimyento para matulungan ang mga manggagawang lubos na naapektuhan ng lockdown.

"'Yong intention natin dito ay mabuksan na sa lalong madaling panahon pero the safest way din," ani Lopez

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr., sakaling payagang magbukas sa ilalim ng GCQ, magkakaroon ng accreditation process sa mga establisimyento.

"Kapag nakita natin naging maganda 'yong performance ng ating paghihigpit at saka maganda iyong condition na, puwede tayo mag-open ng 25 percent, 30 percent," ani Galvez.

Ayon kina Galvez at Lopez, magkakaroon ng hiwalay na alituntunin para sa mga nabanggit na establisimyento.

Kinakailangan lang daw nila itong i-fine tune at ipaapruba sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases bago ilabas sa social media. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.