Higit 1.2-M lumagda sa ABS-CBN online petition

ABS-CBN News

Posted at May 24 2020 05:15 PM | Updated as of May 24 2020 06:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Mula nang mapatigil ang brodkast ng ABS-CBN at DZMM, sa social media na tumutok si Nelly Gonowon para makapanood ng balita.

Ayon kay Gonowon, na isa sa milyon-milyong masugid na tagapanood ng ABS-CBN, binabalikan din niya ang replay ng mga programa ng Kapamilya network, na naging bahagi na ng kaniyang araw-araw na buhay.

"Siyempre, miss na miss kasi kasama na sa buhay 'yon," ani Gonowon.

Kaya nang makita ni Gonowon sa Facebook ang petisyon na nananawagan na ibalik sa ere ang ABS-CBN, agad siyang nagpatulong sa kaniyang anak upang makiisa.

"Mahalaga talagang maibalik na ang ABS-CBN sa ere kasi kailangan ng mga tamang balita, mahahalagang impormasyon lalo na ngayong may pandemic," ani Gonowon.

"'Yon na nga lang libangan namin... kung walang ABS-CBN, malungkot talaga ang buhay ng mga senior citizen," aniya.

Sa loob lamang ng 2 araw, higit 1.2 milyon na ang lumagda sa petisyon na binuo ng mga empleyado ng network.

Sa petisyon, hinihimok ang Kamara na ipasa ang panukalang renewal ng prangkisa ng network. Libo-libo kasi ang maapektuhan ang kabuhayan.

Petisyon din ito para maipagpatuloy ang pagbibigay serbisyio ng network sa mga Pilipino.

Sa link na pino-post ng mga empleyado sa kanilang social media accounts, ilalagay lamang ang buong pangalan at kung empleyado ba o taga-suporta.

Una na ring sinabi ng pamunuan ng ABS-CBN na maaaring magpatupad ng retrenchment sa Agosto kapag hindi sila nakabalik sa ere.

"Ang pakiramdam namin, sobrang nalungkot kami, talagang nangangamba kami, hindi makatulog 'yong mga miyembro," ani ABS-CBN Rank and File Employees Union President Jon Villanueva.

Plano rin ng mga empleyado na maghain ng petisyon sa Korte Suprema bilang intervention sa hinihinging temporary restraining order ng ABS-CBN laban sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission.

Patuloy naman ang araw-araw na prayer chain ng mga empleyado ng kompanya para sa agarang renewal ng prangkisa.

Nagpapasalamat naman si Raul de Asis, pangulo ng ABS-CBN Supervisors' Union, sa mga sumusuporta sa network.

"Hindi lamang mga empleyado ang nag-sign ng petition e kundi outside ABS-CBN," ani De Asis. -- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.