PatrolPH

Deployment ng mga OFW inaasahang bababa hanggang 2021

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 24 2020 03:10 PM

Posibleng bumagsak nang 20 hanggang 30 porsiyento ang deployment o bilang ng mga manggagawang Pinoy na ipinapadala sa ibang bansa hanggang sa susunod na taon dahil sa epekto ng coronavirus disease, sabi ng isang eksperto nitong Linggo.

Sa isang online forum, sinabi ng recruitment at migration expert na si Manny Geslani na bagsak kasi ang ekonomiya sa Middle East, kung saan pinakamarami ang mga overseas Filipino worker.

Inaasahan umanong matatagalan bago buamangon ang mga bansa doon.

“Sarado ang mga Middle East countries, lockdown sila. And I don’t think they will get new workers with the current economic situation nila,” ani Geslani.

“Malabo ’yong deployment sa Middle East. Sa Europe, maraming countries din ang lockdown. Then Poland na bagong market natin, lockdown pa rin,” dagdag niya.

Ayon kay Geslani, ilan sa mga opsiyon ng mga gustong mangibang bansa ngayon ang Hong Kong at Taiwan, na maganda ang pasahod sa skilled workers sa manufacturing at electronics companies.

"Dahil nga marami ang factories na nagsara sa China, maraming lumipat na orders sa Taiwan," paliwanag ni Geslani.

Nasa P40,000 kada buwan ang sahod ng factory worker sa Taiwan, ayon kay Geslani.

Ayon sa pinakahuling opisyal na tala ng Philippine Statistics Authority noong nakaraang taon, nasa 2.3 million ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers sa pagitan ng Abril hanggang Setyembre 2018.

Karamihan o 96.2 percent sa mga iyon ay may mga work contracts.

Umabot na sa 5.3 milyon ang bilang ng mga nahawahan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa Johns Hopkins University Coronavirus Resource Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.