MAYNILA — Lalong magreresulta sa kakulangan sa trabaho ang panukalang security of tenure na layong wakasan ang ilegal na kontraktuwalisasyon, ayon sa grupo ng mga employer.
Ayon kay Sergio Ortiz-Luis, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), lalong mababawasan ang bilang ng mga oportunidad lalo’t pagbabawalan daw ang labor-only contracting sa ilalim ng panukala.
Halimbawa niya ang mga mall na kumukuha ng mga tauhan tuwing Pasko. Baka daw hindi na kumuha ang mga employer ng pansamantalang trabahador sa takot na mapuwersang i-regularize ang mga ito.
Hindi rin pabor ang ECOP sa hirit ng ilang labor groups na taas-sahod dahil posible ring magtaas ng presyo ang bilihin dahil dito.
Bumuwelta naman si Jean Pajel ng grupong Kilos Manggagawa at sinabing hindi pa sapat ang kasalukuyang minimum wage.
"Hindi naman bumalik sa dating mababang presyo 'yung halaga ng mga bilihin," ani Pajel.
Para sa ECOP, paglikha ng mas maraming trabaho ang sagot sa problema ng mga manggagawa.
Nakatakda namang isalang sa bicameral conference committee ng Kongreso ang Security of Tenure Bill.
-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, ECOP, anti-endo bill, Security of Tenure Bill, ECOP, security of tenure, TV Patrol, TV Patrol Top