Spa na ginagawang 'prostitution den' nilusob; 17 babae nasagip

ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 06:03 PM | Updated as of May 24 2019 07:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nasa 17 babae, kabilang ang 3 menor de edad, ang na-rescue ng National Bureau of Investigation (NBI) Human Trafficking Division sa isang spa sa Poblacion, Makati, na ginagawa umanong prostitution den. 

Nagkunwaring parokyano ang ilang impormante ng NBI kung saan nakumpirmang nag-aalok ng "extra service" ang mga masahista. 

Doon na nag-anunsiyo ang mga awtoridad na nire-raid ang establisimyento. 

Ang isang sinasagip na masahista, tumalon ng bintana sa pag-aakalang aarestuhin siya.

Puwersahang binuksan din ang pintuan ng kuwarto na tinutuluyan ng mga biktima matapos nila itong i-lock. Tatlo sa mga biktima ay menor de edad pa.

"Sa front desk sinasabi na nila na may extra service, P1,000 para sa masahe, P3,000 para sa extra service," sabi ni Atty. Janet Francisco, hepe ng NBI-Human Trafficking Division. 

Hindi naman maipaliwanag ng receptionist ang mga nakuhang condom sa front desk at pati sa mga kuwarto ng spa. 

Natuklasan din sa logbook ng front desk kung saan nakalista ang pangalan ng ilang awtoridad sa Makati na umano'y lingguhan nilang binibigyan ng pera. 

"Mga law enforcement unit ito na may payola. Of course we have to investigate them," sabi ni Francisco.

Kinasuhan ng qualified trafficking ang may ari ng spa, receptionist, at ang kanilang isang tauhan.

Dadalhin naman sa Department of Social Welfare and Development ang mga biktima. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.