'Smuggler dadami sa dagdag-buwis sa yosi': kompanya

ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 07:56 PM | Updated as of May 24 2019 09:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ang isang kompanya ng sigarilyo na posibleng dumami ang mga smuggler ng iligal na sigarilyo kapag tuluyan pang nagtaas ang buwis dito.

Sa ilalim ng panukala, aabutin ng P60 kada kaha ang buwis na ilalagay sa sigarilyo, na ilalaan para sa universal health care program.

Ayon sa Japan Tobacco International, maaaring magpalakas ang mga smuggler na hindi nagbabayad ng taripa sa tuluyan pang pagtaas ng buwis ng sigarilyo.

Dagdag nila na pitong beses nang nagtaas umano ng buwis ang sigarilyo mula noong 2012.

"The smugglers though will benefit because, the higher the tax, the higher the benefit due to tax avoidance," ani Manos Koukourakis, pangulo ng JTI Philippines.

Apela naman ng Philippine Tobacco Institute sa Senado na pag-aralang mabuti ang naging epekto sa industriya ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.

Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, kailangan nang ipasa ang panukala para mabawasan ang dami ng mga namamatay dahil sa paninigarilyo.

"Madami po at saka taon-taon nadadagdagan na naman ng maraming naninigarilyo saka yung nagkakasakit dadami na naman. Kailangan i-reverse natin ang trend na ito," ani Domingo.

Dahil naman sa apela ng mga awtoridad ay susubukang habulin ng Senado ang pagpasa ng panukala bago matapos ang ika-17 Congress.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, malaki ang suporta ng sin tax sa sigarilyo lalo na sa Department of Health at Department of Finance.

Pero aminado si Senate President Vicente "Tito" Sotto III na gipit na ang oras dito lalo't naka-recess ang Kongreso noong nakaraang buwan dahil sa halalan.

“Best effort kami sapagkat gipit sa oras eh tinamaan ng eleksyon eh,” ani Sotto.

Isesentro na ang huling anim na sesyon ng Senado sa ilalim ng ika-17 Congress sa Lunes ang debate sa panukala.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.