Pinay human rights activist, pinarangalan sa South Korea

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 06:56 PM

Pinarangalan kamakailan sa South Korea si Joanna Patricia Cariño ng 2019 Gwang Ju Special Prize for Human Rights Award. Leo Mercado, ABS-CBN News

BAGUIO—Hindi napigilang maging emosyonal ng katutubong Ibaloi na si Joanna Patricia Cariño matapos siyang mainit na salubungin ng mga indigenous peoples (IP) organization sa Cordillera nitong Huwebes.

Kababalik lang ni Cariño galing sa South Korea kung saan siya pinarangalan ng 2019 Gwang Ju Special Prize for Human Rights award.

Ibinibigay ang parangal sa mga indibidwal na may natatanging kontribusyon sa pagtatanggol ng karapatang pantao sa iba't ibang bahagi ng mundo.

“Buong buhay niya ay inilaan niya laban sa diktadura, laban sa martial law, para sa kapakanan ng mga katutubong mamamayan,” ani Sarah Bestang Dekdeken, secretary general ng Cordillera Peoples Alliance na nagnomina kay Cariño para sa parangal.

Si Cariño ay isang martial law survivor na nakaranas ng torture at illegal detention. Siya ang founder ng Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto at founder din ng CPA.

“Human rights make us human. With every violation of human rights, our humanity is diminished . . . Let us continue with our task of education [and] organizing people’s empowerment, and the answer now is People Power para ibagsak ang diktador,” ani Cariño.

Ipinagmamalaki ng samu't saring organisasyon ng mga katutubo sa Baguio si Cariño.

“Parang ang tingin namin, lahat ng trabaho namin ay nabigyan ng legitimacy,” ani Geraldine Fiagoy, board member ng Cordillera Women’s Education Action Research Center.

Naroon din si Joan Carling na naging convenor ng bansa sa United Nations patungkol sa mga usaping kinakaharap ng mga IP.

Kinilala rin siya noong nakaraang taon bilang isa sa 2018 UN Environmental Champions of the Earth.

“Kung titingnan natin sa kasaysayan ng katutubo, sila naman ang nagpursige nito na protektahan ang kalikasan kasi hindi lang dito nakasalalay ang buhay ng mga katutubo kundi ang ating kultura, ang ating dignidad, ang ating sistema naiiba,” ani Carling.

Nakabilang si Cariño at Carling sa terrorist list ng Department of Justice, ngunit naalis na ang kanilang pangalan matapos silang magpetisyon noong nakaraang taon.

Pero hindi raw ito nangangahulugan na ligtas na sila mula sa pagturing at pagtawag ng administrasyon sa kanilang mga pagkilos at kontribusyon bilang maka-terorista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.