Estudyante nabiktima umano ng budol-budol sa Baclaran

ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 03:04 PM | Updated as of May 24 2019 03:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Humingi ng tulong sa Lingkod Kapamilya ang isang estudyante matapos umano mabiktima kamakailan ng budol-budol sa Baclaran market.

Nakuha ng hindi kilalang lalaki mula kay Jovielyn Macasiljig ang kaniyang bag na naglalaman ng mahahalagang dokumento, pera at cellphone.

Kuwento ni Macasiljig, naglalakad siya matapos bumaba ng LRT galing eskuwelahan nang kausapin siya ng lalaki mula sa likod at pinayuhang i-secure ang kaniyang bag dahil may mga magnanakaw.

"Tapos may sinasabi siya hindi ko maintindihan bigla akong napalingon sa kaniya parang nag-eye contact kami...doon na po nangyari lahat, sunod-sunod na ako," sabi niya.

Tila na-hypnotize umano siya at laking gulat nang makita ang CCTV video na parang close pa silang magkaibigan.

Sabi niya, nagpakilala umanong parlorista ang suspek at dinala muna siya sa isang parlor na umano'y pag-aari niya. 

"Hindi niya ako pinapasok, siya 'yung kumausap sa bakla na nandoon din po. Bigla siyang lumabas tapos sabi niya bibili daw kami ng shampoo. 'Yung katabi ng parlor na 'yun may tindahan tapos bumili kami ng shampoo," sabi niya.

Dinala din umano siya sa isang spa sa gilid ng simbahan ng Baclaran.

"Pumasok kami doon, sabi niya anlawan ko daw 'yung buhok ko. Sabi niya amina 'yang bag mo, binigay ko din naman sa kaniya hindi ko alam kung bakit ko binigay. Parang kung anong pinapagawa niya sa akin sinusunod ko po," dagdag niya.

Natauhan na lamang siya nang lumabas ang lalaki at sinabing maghahanap lamang ng tabo dala na ang kaniyang bag.

"Hindi na siya bumalik. Sabi ko dun sa ate na nagsa-spa ate may nakita kayong bakla? Ay tumakbo na. Hindi ko na po alam gagawin ko. Lahat nakuha, ID na lang naiwan sa akin," sabi niya.

Nangako naman ang Parañaque Police na magsasagawa ng imbestigasyon para mahuli ang suspek lalo pa't may kuha ng CCTV.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.