Dating barangay kagawad, 4 na iba pa huli sa magkasunod na buy-bust sa Zamboanga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 03:19 PM

ZAMBOANGA CITY - Isang dating barangay kagawad ang kabilang sa 5 naaresto ng mga pulis sa 2 magkahiwalay na buy-bust operation dito sa lungsod, Huwebes.

Hinuli ng mga pulis ang hindi pinangalanang opisyal sa kaniyang bahay nang makuha sa kaniya ang 2 pakete ng shabu at ilang pakete ng marijuana, sabi ni Police Maj. Hazel Fernandez, hepe ng Police Station 4 ng lungsod.

Hinuli rin ang 2 kasamahan ng naturang dating kagawad, sabi ni Fernandez.

Itinanggi naman ng suspek na nagbebenta siya ng droga.

Gumagamit lang umano siya kasama ang kaniyang mga kaibigan sa loob ng kanilang bahay para makalimutan ang ilang pinagdaraanan sa buhay.

Pinabulaanan naman ito ni Fernandez, at sinabing matagal nang minamanmanan ng mga pulis ang ilegal na gawain ng suspect, pero ngayon lang sila naka-tiyempo at naaresto ang dating barangay kagawad.

Samantala, 5 pakete ng shabu naman ang nakuha ng mga pulis mula sa 2 tulak sa isa pang buy-bust operation sa Barangay Santa Catalina.

Limang pakete ng shabu ang nakuha ng mga pulis sa mga suspek, kabilang ang P200 buy-bust money.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.