4 na silid sa isang paaralan sa Davao City, natupok ng apoy

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 08:22 AM

DAVAO CITY - Nasunog ang 4 na classroom ng isang pampublikong paaralan dito sa lungsod, Huwebes.

Nagsimula ang apoy nang mawalan ng kuryente sa Bernardo Carpio National High School sa Barangay Buhangin, sabi ni Rico Ocaleña, isa sa mga guro na nakakita sa insidente.

"Nag-brownout siya bigla tapos pagtingin na namin pula na sa gilid, tumakbo na agad kami. Malaki na ang apoy, bitbit namin ang fire extinguisher pero di na kaya," sabi ni Ocaleña.

Ang mga silid-aralan na nasunog ay mga laboratoryo para sa mga klase sa cookery, bread and pastry, dressmaking at beauty care.

"Sayang ang building dahil bago pa ang machines. Sayang din kasi magagamit pa sana ang mga machine ngayong taon," sabi ni Stephanie Ancheta, isa sa mga estudyante na nasa paaralan nang mangyari ang sunog.

Lumalabas na electrical short circuit ang sanhi ng sunog, base sa inisyal na imbestigasyon ng mga bombero.

Plano ng principal ng paaralan na ipagamit ang bagong naitayong school building at manghiram muna ng mga gamit mula sa ibang paaralan.

Tinatayang aabot sa P2.8 million ang halaga ng nasunog na gusali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.