1 patay sa salpukan ng 2 motorsiklo

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 06:38 PM

Binawian ng buhay si Reynaldo Rodriguez habang ang nakabangga sa kaniya ay nasa kritikal na kondisyon naman sa ospital. Mylce Mella, ABS-CBN News

LIBMANAN, Camarines Sur – Patay ang isang lalaking nagtitinda ng tinapay matapos na salpukin ang kaniyang motorsiklo ng isa pang motor sa Barangay Labao, Huwebes ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si Reynaldo Rodriguez, 39-anyos ng Barangay Tampuhan.

Nagtamo ng sugat sa ulo si Rodriguez nang salpukin siya ng isa pang motorsiklo na minamaneho ni Jomarie Dumpa.

“Naglalakad na kami papunta sa CR ng ospital ng Libmanan, ‘di ko alam na papunta na pala yun ng morgue. Nakita ko na lang siya, nandun na nakahiga na, duguan na. ‘Di ko alam ang gagawin ko,” sabi ng kaniyang asawang si Myra.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na sinakop ni Dumpa ang linyang binabaybay ng biktima.

Kuwento ni Myra, sa labas ng kanilang bahay gumagawa ng tinapay ang asawa at siya na rin ang mismong nagtitinda nito.

Pursigido umano ang asawa sa pagtitinda dahil may pinagiipunan.

“Magpapasukan na kasi. Kailangan ng mga gamit sa school kaya nagpupursige siya,” sabi ni Myra.

Hindi pa makausap ni Myra ang nakabunggong sa kaniyang asawa dahil kritikal din ang kondisyon nito sa ospital.

Dagdag pa ng pulisya, taga Misamis Occidental si Dumpa na dumayo lang sa Camarines Sur para bisitahin ang kaniyang nobya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.