1 patay, 5 sugatan sa banggaan sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 04:28 PM

Wasak ang tricycle ni King John Abuan nang salpukin ito ng isang AUV sa Carmen Bridge. Dead on arrival din sa pagamutan si Abuan. Joanna Tacason, ABS-CBN News

ROSALES, Pangasinan – Patay ang isang tindero ng pandesal matapos na salpukin ng isang sasakyan ang kaniyang tricycle at pumailalim pa siya sa kasunod na truck sa Carmen Bridge, Biyernes ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si King John Abuan, 33-anyos, residente ng Barangay Puelay sa bayan ng Villasis.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na binangga ng 25-anyos na driver ng AUV ang paparating na tricycle na kagagaling lamang mula sa pagtitinda ng pandesal.

“Ang investigation naming, ang Mitsubishi Adventure going south direction allegedly nag-overtake so na-miscalculate niya, nabangga niya yung incoming motorcycle going north,” paliwanag ni Police Senior Master Sergeant Marlon Palaruan.

Sa lakas ng pagkakabangga, sumadsad ang tricycle sa concrete railings ng tulay at saka pumailalim sa kasunod na truck.

Agad dinala sa ospital ang mga biktima kasama na ang driver ng AUV at mga pasahero nito. Dead on arrival naman si Abuan.

Tumanggi magbigay ng pahayag ang driver ng AUV na nagtamo ng sugat sa lalamunan. Napag-alaman din na nagpositibo siya sa alcohol breath test kasama ang apat nitong kaibigan na panay sugatan.

Wala siyang lisensya at wala ding plate number ang ginamit nilang sasakyan.

Hindi pa rin makausap ang pamilya ng namatay na biktima.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang AUV driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.