Umano’y tulak ng droga, patay sa engkwentro sa Laguna

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 09:04 PM | Updated as of May 24 2018 09:28 PM

SANTA ROSA, Laguna—Patay ang isang umano'y tulak ng ilegal na droga nang makipagbarilan sa pulisya sa lungsod na ito Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Police Supt. Eugene Orate, hepe ng Santa Rosa Police, nakatunog ang suspek na si Lorenzo Valdez kaya't agad niyang pinaputukan ang pulisya.

Sa upuan sa harap ng bahay binawian ng buhay si Valdez, habang bakas naman sa dingding ang mga tama ng bala.

Nakuha mula kay Valdez ang 8 sachet ng hinihinalang shabu, isang baril at mga bala.

Dagdag pa ni Orate, matagal na nilang minamanmanan si Valdez, na isa rin umanong miyembro ng akyat-bahay gang.

Pinatotohanan naman ng barangay tanod ng katabing barangay ang mga paratang na ito.

Ayon kay Floraser Deriquito, ilang beses nang nahuling nagnanakaw si Valdez.

Ayon sa pulisya, nagmula ang impormasyon tungkol kay Valdez sa ilang concerned citizen na tumawag sa hotline ng pulisya sa rehiyon.

Suportado naman ng lokal na pamahalaan ang proyektong ito ng pulisya.

Kasalukuyang nakatutok ang pulisya sa mga posibleng kasamahan ni Valdez para tuluyan nang matapos ang mga katulad na krimen sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.