SAPUL SA DASHCAM: Salpukan ng motor at truck sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 01:00 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuha ni JV Valenteros

DAVAO CITY - Sugatan ang isang lalaki matapos magsalpukan ang isang motorsiklo at truck sa JP Laurel Avenue, Panabo City nitong Linggo ng hapon.

Ayon sa Panabo City Police, nagka-areglo na ang motorcycle driver na si Khlene Ferdie Palabrica at truck driver na si Felix Bain.

Patuloy namang ginagamot sa ospital si Palabrica matapos magtamo ng bali sa kaliwang braso.

Makikita sa dashcam video ni JV Valenteros na mabilis ang takbo ng motorsiklo papuntang Tagum City at sa unahan ay biglang lumiko pa-kanan ang truck, dahilan ng banggaan at pagtilapon ng rider.

Ayon kay Valenteros, mabilis ang takbo ng motor kaya nahirapan itong kontrolin ang manibela at maka-brake, habang hindi naman niya nakitang nag-right turn signal ang truck.

"Nandito itong motor sa gilid, mabilis din ang takbo niya, pagliko ng truck pakanan nag-abot sila ng motor," aniya.

Sa imbestigasyon, lumabas na galing Davao at pauwi na sa Sto. Tomas Davao del Norte si Palabrica.

Sinubukan pa umano nitong iwasan ang truck ngunit nabangga na ito ng kanang bahagi kaya tumilapon ng mahigit 10 metro.

"Wag mag expect ang driver sa nauna kung mag-execute ito na pa right o left turn. Kaya ito dahilan ng banggaan, kung ikaw nakasunod na sasakyan, ikaw dapat aware sa naunang sasakyan kung ano ang dapat na execution para walang mangyaring bangaan," ani PO3 Edsol Joseph Paro.

Muling paalala ng awtoridad na sundin ang speed limit at maging defensive driver para makaiwas sa disgrasya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.