SAPUL SA CCTV: Lalaki, nilimas ang mga barya sa tindahan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 12:28 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

PUERTO PRINCESA CITY - Wasak na bintana at tatlong sirang kandado ng pinto ang iniwang bakas ng kawatan sa isang tindahan sa Lomboy Street, Barangay San Jose sa Puerto Princesa City Linggo ng madaling araw.

Nakuha sa CCTV ang pagpasok ng lalaki sa loob mismo ng tindahan na pagmamay-ari ni Loedi Deramayo.

Bandang 2:53 ng madaling araw nang pumasok ang lalaki sa tindahan dala ang flashlight at isang bag. Ang kaha ng tindahan ang una nitong pinuntirya.

Nakuha nito mula sa kaha ang tinatayang nasa P1,700. Hindi rin nito pinatawad ang P300 barya para sa Santo Niño.

Nang makita nito ang CCTV ay agad itong kumuha ng cutter. Gamit ang hagdan sa loob ng tindahan, nilapitan ng lalaki ang CCTV hanggang sa tuluyan nang nawalan ng monitor.

Nagsuot rin ng hood ang lalaki habang papalapit sa CCTV.

Maliban sa pera, may mga tinangay pa umanong paninda ang lalaki na hindi na nakunan ng CCTV. 

Tinatayang nasa P15,000 ang kabuuang halaga ng mga ninakaw.

Ayon sa pulisya, maaring pinag-aralan ng kawatan ang tindahan kaya madali niya itong napasok. Wala ring security guard ang lugar.

Paalala ng pulisya, sikapin na gawing mahigpit ang seguridad lalo na sa mga negosyo o mga establisyimento.

"Yan ang routine kasi talaga ng mga magnanakaw – mga kawatan. They’re not undergoing training but yung experience nila yung nagtuturo sa kanila kung ano yung gagawin nila sa next na target nila," ani police Chief Inspector Mark Allen Palacio, station commander ng Police Station 1 sa Puerto Princesa City.

Hinikayat naman ng pulisya ang mga residente na magsumbong sa kanila kung may nakakakilala sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.