SAPUL SA CCTV: Estudyante, binugbog ng 3 construction worker

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 09:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ang tatlong construction worker matapos bugbugin ang isang estudyante sa Sta. Mesa, Maynila noong gabi ng Linggo dahil umano sa kalasingan. 

Sa kuha ng CCTV ng insidente, mapapanood na noong una ay sinundan at kinausap muna ng tatlong magpipinsang suspek ang biktimang si Johans Chan bago atakihin.

Dahil sa tapat lang ng bahay ng biktima nangyari ang away, sinaklolohan si Chan ng kaniyang mga kaanak.

Kapansin-pansin sa kuha ng CCTV na sa halip na masaktan si Chan, mismong isa sa mga suspek na si Florante Ylinon ang bumabagsak tuwing bibitaw ng suntok bunsod ng labis na kalasingan.

Kasalukuyang nakapiit sa Manila Police District Station 8 ang tatlong suspek.

Lumuwas naman sa Maynila mula Pampanga ang ina ni Ylinon, na balak sanang pakiusapan ang pamilya ng biktima na iurong ang reklamo pero nabigo siya.

"Sana ilabas niyo na, iurong niyo na 'yong [kaso laban sa] anak ko, maawa naman kayo," ani Josephine Ylinon.

Pero nanindigan ang biktima na itutuloy ang pagsampa ng reklamo.

"Sana naisip muna nila bago nila gawin 'yon," ani Chan.

Balak naman ni Santiago Barcenas, chairman ng Barangay 611, na ipagbawal ang pag-stay in ng mga construction worker sa construction sites sa kanilang barangay.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.