P30 bilyon ilalaan sa nat'l ID; ilang kongresista, may pangamba

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 11:02 PM | Updated as of May 24 2018 11:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinatayang aabot sa P30 bilyon ang magiging gastos para mabigyan ng national ID ang lahat ng Pilipino matapos magkasundo ang Kamara at Senado sa bersiyon ng panukalang batas ukol dito.

Batay sa napagkasunduan ng bicameral conference committee nitong Martes, Mayo 22, magkakaroon ng P2 bilyon sa 2018 budget para sa panimulang rollout ng proyekto.

Target na makapagbigay ng ID ngayong taon sa 1 milyong Pinoy na mga nasa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), persons with disabilities, (PWDs), senior citizen, at indigents o maralita sa Metro Manila, Region IV-A, at Cordillera Administrative Region.

Tatagal ng hanggang 5 taon bago masaklaw ang lahat ng Pinoy sa gastos na aabot ng P30 bilyon.

"Naghahanda na kasi ang plano ngayon ng mga ahensiya ay magkaroon ng pilot ngayong taong ito," ani Laguna Rep. Sol Aragones na chairman ng House committee on population.

Kasama sa napagkasunduang nakalagay sa national ID ang magiging numero ng mamamayan sa ilalim ng Philippine Identification System o PhilSys, buong pangalan, kasarian, blood type, lugar at petsa ng kapanganakan. 

Ipapasok din ang mga naturang datos sa database kasama na ang mobile number, email address, at biometric data gaya ng fingerprints at iris scan.

Puwedeng baguhin ng cardholder ang datos anumang oras.

Libre ang unang card pero kapag nawala o nasira, may bayad ang kapalit.    

Kasama sa mga ahensiyang puwedeng pagkuhanan ng ID ang Philippine Statistics Authority, Government Service Insurance System, Social Security System, PhilHealth, Pag-IBIG Fund, at PhilPost.

"Ngayon isa na lang, isang ID ang magagamit mo sa iba't ibang transaksiyon sa gobyerno, maging sa private," ani Aragones.

PANGAMBA SA NAT'L ID

Nangangamba naman ang ilang kongresista na puwedeng magamit ng gobyerno ang national ID sa mga tumutuligsa sa kanila.

Wala ring katiyakang safe sa hacking ang datos.

"Hindi ito 100% na maipapaniguro ng gobyerno na mga data na inilagak natin sa Philippine statistics authority ay maproteksiyonan," ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate. 

Tiniyak naman ni Aragones ang proteksiyon sa personal na datos ng mga mamamayan.

"Hindi puwedeng buksan kung walang court order, pangalawa kung walang consent ng individual, at maari lamang itong buksan kung merong compelling interest ng safety at public health," ani Aragones.

Dumepensa rin sa panukalang batas ang bagong upong Senate president.

"E mayroon ngang kasabihan, 90% of things you worry about will not happen, do not happen... but the benefits far outweigh the contrary opinion," ani Tito Sotto.

Sabi naman ng isa pang kongresista, mas dapat pagtuunan ang pagbibigay ng maayos na serbisyo ng gobyerno sa publiko.

"Ang dapat ayusin 'yong mga pangangailangan talaga na basic services ng mga tao at hindi iyon kinakailangan ng ID," ani Kabataan party-list Rep. Sarah Elago. 

Inaasahang mararatipikahan na ng dalawang kapulungan sa susunod na linggo ang national ID bill bago papirmahan kay Pangulong Duterte na tuluyang magsasabatas ng panukala.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.