Namatay sa nahulog na bus sa Leyte, umabot na sa 4

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 07:35 PM | Updated as of May 24 2018 07:57 PM

TACLOBAN CITY - Umabot na sa apat ang bilang ng mga pasaherong nasawi sa bus na nahulog sa tulay sa bayan ng Tanauan, Leyte nitong Miyerkules.

Base sa impormasyon mula sa Tanauan Police, pumanaw na rin ang isang dalawang taong gulang na bata.

Kinilala ang mga nasawi na sina Bryan Noterti, 30-anyos; isang 15-anyos na anak ng driver ng nahulog na bus; isang 3-anyos, at ang kapatid nito na 2-anyos pa lamang.

Ayon kay Elmer Basas, Area Head for Visayas ng Philtranco, 6 pang mga pasahero ang patuloy na ginagamot sa mga ospital sa Palo, Leyte at sa Tacloban City. Nakauwi na ang 13 iba pang pasahero matapos malapatan ng lunas.

Nagpadala ng mga sasakyan ang pamunuan ng bus sa mga pasahero para makauwi sa kanilang lugar.

Sasagutin rin ng kumpanya ang iba pang gastusin ng mga pasaherong patuloy na ginagamot, maging ang pag-aasikaso sa mga bangkay ng mga namatay.

Samantala, sinimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Regional Office ang pag-iimbestiga sa insidente.

Unang tinitingnan kung nag-overtake ba ang bus pero ang tinutumbok ng imbestigasyon ay ang posibilidad na nakatulog ang drayber ng bus.

Una na ring nagsabi ang drayber ng bus na may isang pasaherong umagaw sa kanyang manibela.

Lumalabas rin sa imbestigasyon na kulang sa warning device at ilaw ang pinalapad na tulay kung saan nahulog ang bus.

"I would say na kulang sa safety markings 'yung lugar. Walang ilaw, hindi man lang nila binigyang importansiya...kung sino ang contractor doon, hindi man lang nilagyan ng safety markings 'yung lugar so that hindi maging prone to accident 'yung area," ani Renwick Rutaquio, regional director ng LTFRB.

Siniguro rin ng LTFRB na maibigay sa mga apektadong pasahero ang iba pang ayuda.

Dagdag pa ng LTFRB, ang central office na ang magdedesisyon kung may pananagutan ang bus company at drayber matapos ang insidente.

Ayon sa pulisya, pansamantalang pinakawalan ang drayber ng bus matapos lumagpas ang oras para magsampa ng kaso.

Hinahawakan na rin ng Highway Patrol Group ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.