'Madugong' death penalty, isinusulong ng VACC

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 09:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Muling itinulak nitong Huwebes ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang pagbabalik ng parusang kamatayan.

Mungkahi ng grupo ay sa harap ng publiko gawin ang pagpaparusa ng kamatayan sa mapapatunayang kriminal.

Ito ay para umano matakot ang mga kriminal sa paggawa ng krimen.

"It should be bloody to send a very strong message of certainty of death in a manner na katatakutan," ani VACC vice chairman Arsenio Evangelista. 

Ayon sa grupo, nakakaalarma ang pagkawala umano ng kaayusan sa bansa dahil sa sunod-sunod na naitatalang karahasan. 

Hinimok din ng VACC si Pangulong Rodrigo Duterte bago ang nakatakda nitong State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo na muling talakayin ang usapin kaugnay sa death penalty.

"It's time before the SONA of President Duterte, we call the attention of lawmakers, the Congress and the Senate for the re-imposition of death penalty," ani Cory Quirino, bagong pangulo ng VACC.

"Kung lumabag ka sa batas at pumatay sa isang tao, kailangan katumbas din ang parusa sa krimen na ginawa mo," dagdag ni Quirino. 

Tinuligsa naman ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ang suhestiyong pagbabalik ng death penalty.

Ayon sa CBCP, hindi umano epektibong paraan ang parusang kamatayan sa pagpigil ng karahasan sa bansa.

"Patuloy na nangyayari ang mga krimen kasi nakikita dito na hindi naman nahuhuli," ani Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP.

Giit ni Secillano, ang kailangan umano ay pagbabago sa criminal justice system ng bansa.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.