Grade 12 student, huli sa 'sextortion'

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 05:21 PM | Updated as of May 30 2018 12:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Naaresto ang isang 19 anyos na lalaki sa Makati City matapos mangikil sa isang dalaga kapalit ng hindi pagpapakalat ng kaniyang mga maseselang retrato at video.

Sa entrapment operation, hinuli ng Makati police ang suspek na si alyas "Jose," isang Grade 12 student, matapos isumbong ng biktimang si alyas "Rose."

Kuwento ni Rose, Miyerkoles nang makatanggap siya ng Facebook message sa isang nagpakilalang Mikay Fernandez, kung saan tinakot umano siyang ilalabas ang kaniyang mga hubad na larawan at sex video kung hindi siya magbibigay ng cellphone at makikipagtalik sa suspek.

"In-ignore ko lang noong una kasi akala ko nanloloko lang, tapos nag-start siyang mag-send ng nude pictures ko. Naalarma na ako, natakot ako hanggang sa nakapag-negotiate kami," ani Rose.

Bumiyahe patungong Makati mula Pampanga ang suspek para makipagkita kay Rose.

Sa operasyon lang nabatid ni Rose ang totoong pagkakakilanlan ng suspek, na hindi umano niya kakilala pero mula rin sa parehong barangay na inuuwian niya sa Pampanga.

Hindi naman direktang itinanggi ni Jose ang mga paratang pero depensa niya ay gusto lang niyang tulungan ang biktima dahil ang barkada raw talaga nito ang gustong mag-upload ng mga maseselang larawan.

"Utang na loob lang niya sa'kin kasi gusto siyang i-blackmail ng mga taga-doon [sa'min]... ginawan ko ng paraan kasi 'yong babae taga-sa'min, umuuwi din sa'min kaya gano'n ako ka-concerned," ani Jose.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinabi ni Rose na sana ay magsilbing aral ang kaniyang naranasan para sa iba.

Ipinayo naman ng Makati police sa publiko na iwasang magpadala ng mga pribado at maseselang larawan at video kahit kanino.

Nahaharap si Jose sa reklamong robbery extortion at paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act.-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.