Fr. Soganub, nag-alay ng misa para sa mga biktima ng giyera sa Marawi

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 05:19 AM

SOUTH COTABATO - Nag-alay ng misa nitong Miyerkoles si Father Teresito "Chito" Soganub sa paggunita ng isang taon sa giyera sa Marawi.

Si Soganub ang isa sa mga dinukot ng Islamic State-inspired Maute group nang salakayin ng mga terorista ang siyudad.

Sa kaniyang misa, binalikan ng pari ang kaniyang karanasan habang nasa kamay ng mga terorista.

Kuwento ni Soganub, nasa bishop's residence siya nang kunin ng grupo noong Mayo 23, 2017.

Ginamit siya aniya sa propaganda ng mga terorista, nagpalipat-lipat ng lokasyon, at pinagbantaang papatayin kung tatakas.

Na-rescue siya ng mga sundalo noong Setyembre 16, 2017.

Sa kaniyang misa, pinili ni Soganub na makapiling ang pamilya, mga kaibigan, at kapitbahay.

Ang misa ay alay din niya sa lahat ng mga naging biktima ng giyera.

Bagamat matagal na siyang nakalaya, tila bihag pa rin umano siya ng takot. Kaya humuhugot siya ng lakas sa lahat na nagdasal para sa kaniya.

Nagkita rin sila ng kaniyang kapitbahay na si Belen Babon na dinukot ng mga terorista.

Pareho ang 2 na nasa proseso pa ng paglimot sa karanasan nila.

Naka-ministerial break ng 5 taon ngayon si Soganub para lagpasan ang trauma na sinapit niya sa giyera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.