Abandonadong bahay, nasunog sa Davao City

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 12:09 PM | Updated as of May 24 2018 03:15 PM

Nilalamon ng apoy ang dalawang palapag na abandonadong bahay sa Quirino Street, Barangay Davao City, Huwebes ng madaling araw, Mayo 24, 2018. Wala namang nasugatan sa insidente.

DAVAO CITY – Sumiklab ang apoy sa isang abandonadong bahay, Huwebes ng madaling araw sa Quirino Street, Barangay 34.

Mabilis na rumesponde ang mga bumbero para apulahin ang apoy sa dalawang palapag na abandonadong bahay.

Ayon sa saksi, papauwi na siya sa kaniyang boarding house na kaharap lamang ng naturang bahay. Nagawa pa nilang batuhin ang bahay sakaling may tao sa loob.

Pinutol na rin ng awtoridad ang mga linya ng kuryente. 

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, tinitingnan nila ang anggulo na baka may naiwang gamit sa loob ng gusali na naging ugat ng sunog. 

May mga ulat umanong ilang kabataan ang nakikitang umiistambay sa lugar kapag dis oras ng gabi.

Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.

Tinatayang aabot sa P30,000 hanggang P50,000 ang danyos sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.