3 magkakahiwalay na aksidente, naitala sa Tanauan

Fey Virrey, ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 09:05 PM

Isa ang pampasaherong bus na ito sa mga naitalang naaksidente sa STAR Tollway sa bahagi ng Tanauan City nitong Huwebes, Mayo 24, 2018. Tumagilid ang bus matapos na tangkaing iwasan ng driver ang sasakyan sa harap nito na bigla umanong nag-preno.

TANAUAN CITY - Tatlong magkakahiwalay na aksidente ang naitala sa Tanauan City, Huwebes ng umaga na nagdulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa lugar.
 
Pasado ala-1 ng hapon unang naiulat sa City Disaster Risk Reduction and Management Office ng siyudad ang pag-tagilid ng isang pampasaherong bus sa STAR Tollway na sakop ng lungsod.

Tinatayang nasa 20 mga pasahero ang nasugatan dahil sa nangyari. 

Ayon sa driver ng bus, biglang nag-preno ang sasakyan sa kaniyang unahan kaya’t napilitan siyang iwasan ito. Hindi umano niya inaasahan na tataob ang bus.

Kaagad namang naisugod sa ospital ang mga nasugatan.

Ilang metro naman ang layo mula sa pinangyarihan nito, tatlong sasakyan din ang naaksidente. Isa sa mga ito ang nawalan ng kontrol at nahulog sa kanal sa tabi ng tollway. Nagkabanggaan naman malapit din dito ang isang mini van at isang L300.

Sa hindi rin kalayuan, isa namang truck na naglalaman ng mga baboy ang tumagilid habang binabaybay ang daan patungo sanang Calamba City.

Naalis na sa daan ang lahat ng mga sasakyang sangkot sa magkakahiwalay na aksidente.

Nagdulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa magkabilang linya ng tollway ang mga naitalang aksidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.