2 babaeng sangkot sa 'bigas' modus sa Batangas, timbog

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 12:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado nitong Miyerkoles sa isang entrapment operation ng Batangas police ang dalawang babae dahil sa umano'y modus na pangingikil. 

Sa ipinakitang mensahe ng biktimang si Juana Panopio mula sa mga suspek, mababasang ilang beses siyang pinagbantaang ipahuhuli sa pulis at sa National Bureau of Investigation (NBI).

Ang modus, pinagbabantaan siya na isusuplong dahil sa "utang" niyang mahigit P280,000 halaga ng 500 sako ng bigas na idineliver umano sa kaniya.

"Wala naman talaga akong natatanggap ni isang butil ng bigas," giit ni Panopio.

Sa ipinakitang mga text message ng biktima, mababasang pinagbabantaan siya ng isa sa mga suspek na isusuplong sa "NBI" kapag hindi pa nakapagbigay ng pera. Screengrab mula sa UKG

Nagsimula ang pananakot noong Mayo 17. Dahil ayaw makulong, lumapit na ang biktima sa pulis, na agad namang nagkasa ng entrapment operation.

Sa nangyaring operasyon, hinarap ni Juana ang mga umano'y nangingikil sa kaniya at nang ibigay na ang pera, naging hudyat na ito para arestuhin ng mga pulis ang dalawang babaeng suspek. 

Tumanggi namang humarap sa kamera at magbigay ng pahayag ang mga suspek na hawak ngayon ng Batangas police. 

Posibleng maharap sa kasong robbery-extortion ang mga natimbog na babae.

--Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.