1,500 bahay, ipatatayo ng UN-Habitat sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 09:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May 1,500 housing unit ang ipatatayo ng United Nations Human Settlements Programme (UN-Habitat) para sa mga nawalan ng tirahan matapos ang limang buwang bakbakan sa Marawi City. 

Ito ang nakasaad sa memorandum of understanding na nilagdaan nitong Huwebes ng pamahalaang lokal, UN-Habitat, at Task Force Bangon Marawi (TFBM).

Libre ang bahay na gagastusan ng Social Housing Finance Corporation.

Ayon kay Housing Secretary Eduardo Del Rosario, ang mga makikinabang sa mga bahay ay ang mga nakatira sa gilid ng Lanao Lake at Agus River na hindi na papayagang makabalik sa dati nilang tinitirhan dahil bahagi ng lake at river easement ang kanilang tinirikan.

"Kahit wala silang title, kung talagang diyan sila nakatira at will be certified by the barangay officials and the city government, then we will allow them. Hindi na natin kukuwestiyonin kung may title ka o wala," ani Del Rosario.

Bukod sa 1,500 bahay na ipatatayo ng UN-Habitat, may 2,000 housing unit pang ipatatayo ang San Miguel Foundation.

Ayon sa lokal na pamahalaan, may 27,925 pamilya sa Marawi ang klasipikadong "internally displaced person."

'NOTHING IS FINAL YET'

Samantala, ikinagalit ng House committee on Muslim affairs ang planong ibinahagi sa kanila ng TFBM hinggil sa rehabilitasyon sa mga lugar na labis na naapektuhan ng giyera. 

Sa isang pulong kasama ang komite sa Kamara, ipinakita ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) ang artist's rendition ng mga plano para sa Marawi City, kabilang ang gagawing bagong plaza at itatayong civic center sa most affected.

Pero hindi natuwa sa panukala si Lanao del Sur 2nd Disctrict Rep. Mauyag "Jun" Papandayan Jr., ang chairman ng Muslim Affairs committee.

"Kung diyan niyo ilalagay, diyan mismo sa most affected area, wala namang bakanteng lote diyan kung titingnan mo. Wala kang makitang lugar diyan na mapaglalagyan mo ng cultural center, may mga may-ari na ng lupa," ani Papandayan.

"Hindi ba injustice ang mangyayari diyan?" dagdag pa ni Papandayan.

"Nothing is final yet," sabi naman ni HUDCC Director Mylene Rivera.

Sa kabila ng mga planong wala pa umanong katiyakan, pinaalala ni Papandayan na sa Hunyo sisimulan ang pagpapatupad ng proyekto.

"Hindi pa final at hindi pa sigurado 'yong mga plano ninyo but you are going to start the project sa June 18. Paano kayo mag-start kung 'di pa pala final itong mga program ninyo?" ani Papandayan.

Inatasan din ng mga miyembro ng Kamara ang TFBM na tiyaking sisipot sa susunod nilang pulong si Housing Secretary Eduardo Del Rosario.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.