1 patay, 6 nakatakas sa jailbreak sa Cotabato City

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 09:26 AM

Pumuga ang 7 preso mula sa kanilang selda sa Maguindanao Provincial Jail na matatagpuan sa Cotabato City. Isa sa kanila ang nabaril at napatay dahil sa patuloy na tumakbo matapos na magpaputok ng warning shots ang awtoridad.

COTABATO CITY – Isa ang patay habang 6 na bilanggo naman ang nakatakas, Huwebes ng madaling araw sa Maguindanao Provincial Jail.

Pumuga ang mga preso habang abala ang mga guwardiya sa paghahanda ng kanilang almusal pasado alas-2 ng madaling araw sa PC Hill, Barangay Rosary Heights 1, ayon sa administrative officer na si Lamanza Malikol.

Sinira nila ang kandado ng kanilang selda sa ikawalang palapag ng gusali at dumaan sa hagdan hanggang sa makalabas sa main gate. Sinira din nila ang kandado sa main gate hanggang sa tuluyang makatakas patungo sa iba’t-ibang direksiyon ng Barangay Bagua.

Isa sa mga pugante ang napatay sa jailbreak makaraang barilin ng mga prison guard matapos na nagpatuloy sa pagtakbo sa kabila ng warning shot. Kinilala siyang si Michael “Meka” Balitoc na may kasong murder.

Kinilala naman ang iba pang pugante na sina Dante Karatuan na may kasong illegal possession of firearms and explosives at illegal drugs; Gole Mangandong, Sindatuk Ampatua, Sadam Montani, Aminodin Maliga at Thorag Sabal, na pawang may mga kaso kaugnay sa illegal na droga.

"Magsasagawa tayo ng in depth investigation kung bakit nangyari ang jailbreak. Sisiguraduhin natin na maging patas ang imbestigasyon. Aalamin natin kung may pagkukulang ang mga jail guard o sa mga pasilidad sa kulungan," sabi ni Maguindanao Provincial Administrator Adbulrakman Asim.

Ang pasilidad ay mayroong 281 na bilanggo sa kasalukuyan.

Nananawagan naman ang provincial government sa publiko na agad na ipagbigay-alam sa awtoridad kung may alam sila sa kinaroroonan ng 6 na pugante.

Inilabas na rin ng pamunuan ng Maguindanao Provincial Jail ang larawan ng mga pugante para madali silang makilala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.