Walang dapat ika-alarma sa Metro Manila: PNP

ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 12:18 PM | Updated as of May 24 2017 01:06 PM

Hindi mananatiling kumpiyansa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) kahit pa wala silang namomonitor na “clear and present danger” sa kalakhang Maynila, sa kabila na rin ng pag-atake ng mga terorista sa Marawi City at sa Manchester sa England kamakailan.

“Wala pong dapat ikaalarma, wala pong dapat ikabahala ang ating mga kababayan,” pahayag ni NCRPO Director Oscar Albayalde.

Sa panayam sa DZMM nitong Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Albayalde na hindi rin pwedeng maliitin ang anumang banta ng terorismo.

“Ngunit hindi po natin ipinapasawalang-bahala yung threat of terrorism. Yung sinasabi nating clear and present danger lalong-lalo na dito sa Metro Manila, wala po tayong namomonitor na ganyan,” sabi niya.

Sa ngayon, naka full alert status ang NCRPO bunsod na rin sa nagaganap na bakbakan sa Marawi City sa pagitan ng Maute group at tropa ng pamahalaan at ang madugong pagpapasabog sa concert ni Ariana Grande na ikinamatay ng higit sa 20 katao sa Manchester.

“Ang mga kababayan natin hinihikayat nating sila po ay maging mapagmasid. I-report po sa atin anything that is out of the ordinary para po maiwasan natin mga karahasan na ganyan,” sabi niya.

Sa ilalim ng full alert, kinakailangan ang maximum attendance ng lahat ng kasapi ng NCRPO. Maging ang mga nakapag-leave ay ipare-recall. Paiigtingin din ang security measures lalo na sa mga matataong lugar at magpapatuloy din ang Oplan Sita.
 
“Yun pong augmentation coming from AFP (Armed Forces of the Philippines) ay nakatalaga po sa mga malls and other places of convergence--sa mga bus stations at mga MRT at LRT stations natin. Yan po ay more or less nasa 100 lang naman. Yung mga checkpoints natin more or less mga mobile checkpoints lang po yung tinatawag nating Oplan Sita,” dagdag niya.

Samantala, binanggit din ni NCRPO chief na wala pa silang natatanggap na anunsiyo kung kakanselahin ang nakatakdang concert sa bansa ng pop star na si Ariana Grande.

“Kaya po tayo mahigpit na nakikipag coordinate sa mga kinauukulan and of course yung mga coordinators dyan at bago po sila mabigyan ng permit kailangang maaprubahan muna yung kanilang security protocol sa chief of police or sa mga district directors. So far, wala kasing sinasabing kinansel yung concert,” ani Albayalde.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.