Switching station ng NGCP sa Marawi, nakitaan ng problema

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 07:31 PM | Updated as of May 24 2017 07:53 PM

MANILA – Nakitaan ng problema ang isa sa mga switching stations ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Marawi City kasunod ng pagkubkob ng Maute Group sa lungsod.

May nakita umanong problema sa load end switching station sa Mindanao State University, na siyang dinaraanan ng suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Marawi.

Ayon kay NGCP spokesperson Cynthia Alabanza, hindi pa tukoy kung ano ang sanhi ng problema sa daloy ng kuryente, kaya’t di pa nila masabi kung konektado ito sa engkwentro sa pagitan ng Maute Group at mga puwersa ng pamahalaan sa bayan noong Martes.

Hindi rin umano nila ito agad na maayos dahil sa kasalukuyang sitwasyon roon. 

Samantala, sa oras umanong ideklarang ligtas na ang lugar, agad na magpapadala ng mga tauhan ang NGCP upang agad na maibalik sa normal ang suplay ng kuryente sa Marawi City.

Nasa ilalim ng martial law ang buong Mindanao matapos itong ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa bakbakan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.