Seguridad sa kalye, pinaigting sa Soccsksargen

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 12:22 AM

ABS-CBN News

GENERAL SANTOS CITY – Kasunod ng deklarasyon ng martial law sa Mindanao, agad namang itinaas ng Philippine National Police Regional Office 12 (PRO 12) sa full alert status ang buong rehiyon.

Lalong hinigpitan ang mga checkpoint sa Soccsksargen, lalo na ang mga papasok sa mga matataong bayan at siyudad.

Sa General Santos City, kung dati ay nagmamanman lang ang mga pulis sa Barangay Tambler, nitong Miyerkules ay pinahihinto na ang lahat ng mga dumadaang sasakyan at motorsiklo, at sinusuri nang mabuti.

Ganoon din ang checkpoint sa highway ng Barangay Apopong papasok sa General Santos City, kaya mahaba ang pila ng mga sasakyan. Binusisi kasi ang mga sasakyan at ang kargang kagamitan. Isa-isa ring sinusuri ang mga motorsiklo.

Sa mga bus, pinababa pa rin at isa-isang sinuri ang mga bagahe ng pasahero at mga baggage compartment.

Walang angal ang mga pasahero kahit maantala man sila sa checkpoint. Sabi ng ilan ay suportado din nila ang deklarasyon ng martial law.

“I think wala naman dapat ikatakot. Kasi very vigilant naman ang mga tao. We have social media, we have all forms of access. Kung may mag-aabuso man makikita yan ng mga tao, so there’s nothing to fear,” sabi ni Judd Leonar, isa sa mga pasahero.

Sa ilalim din ng full alert status, kinakailangang maabot ang maximum attendance ng lahat ng kasapi ng mga pulis. Maging ang mga leave o bakasyon ay kinansela.

“May directive na tayo sa mga chiefs of police at sa lahat ng mga unit commanders na i-account na ang mga personnel nila. So pinapabalik natin ang mga kapulisan sa kanya-kanya nilang stations and unit para ma-account sa kanilang mga unit commanders at kailangan sila na maging visible sa mga bayan-bayan nila,” ani Chief Superintendent Cedrick Train, Regional Director ng PRO 12.

Nagbabala din si Train sa mga pulis na huwag abusuhin ang martial law.

“Hindi naman talaga ito automatic na mag-take over 'yung military authority sa mga civilian functions,” paliwanag ni Train.

Pinaigting din ang intelligence monitoring para matukoy ang mga sympathizer ng Maute group sa Region 12.

“Sa ngayon, wala pa naman tayong potensyal na nakikita natin na spillover, pero ganun pa man, kailangan mag-prepare tayo,” ayon kay Train.