Mga bala, baril, granada, nakumpiska sa pasyente sa ospital sa Palawan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 08:27 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Nakumpiska ng awtoridad ang ilang pirasong baril, bala at granada mula sa isang pasyente sa isang pribadong ospital sa Puerto Princesa City nitong Martes.

Kinilala ang pasyente na si Jhonie Adelion. Na-confine siya sa ospital noong Linggo dahil sa acute ulcer.

Si Adelion ang itinuturong suspek sa pagpatay sa businessman na si Alexander Onghocgan.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na 'di umano'y may dalang mga baril ang bumibisita kay adelion.

Kanilang kinumpirma ang impormasyon at isinagawa ang operasyon matapos pag-aralan ang mga bumibisita kay Adelion.

Bukod sa pasyente, inabutan rin ng mga pulis sa kwarto sina John Ray Araes, Edgar Verano at tatlong menor de edad.

Nakuha sa kwarto ni Adelion ang tatlong caliber .45, isang 9-mm na baril, mga bala at isang granada.

Depensa ni Adelion, hindi niya alam kung saan galing ang mga baril. Itinanggi rin ni Verano na may baril ito. Ayon sa kanya, nasa ospital siya para bantayan ang kaniyang kaibigan.

Isa sa mga menor de edad ang nahulihan rin ng baril. Ayon sa kanya, nagdadala siya ng baril para protektahan ang kanyang sarili. Hindi malinaw kung saan nanggaling ang baril.

Ayon sa pulisya, hindi umano nila gagawing magtanim ng ebidensiya para sa operasyong ito. Hindi rin umano nagkulang ang ospital sa pangyayari, lalo na't ang ospital ang nagbigay sa kanila ng impormasyon hinggil sa mga baril.

Bineberipika pa ng mga awtoridad ang lisensya ng mga nakumpiskang baril.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition at Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives ang tatlong suspek.

Ipapaubaya naman sa City Social Welfare and Development Office ang tatlong menor de edad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.