Mag-inang dolphin, natagpuang sugatan sa Leyte

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 01:25 AM | Updated as of May 25 2017 03:58 PM

Natagpuang sugatan ang baby dolphin na ito sa Carigara, Leyte, nitong Miyerkoles. Courtesy of Lorna Dacara

Natagpuang sugatan ang mag-inang dolphin na lumalangoy papalapit sa dalampasigan sa isang beach resort sa bayan ng Carigara, Leyte nitong Miyerkoles.

Ayon kay Roldan Gala, empleyado ng beach resort, una nilang nakita ang mag-inang dolphin Martes ng tanghali. 

Napansin nilang sugatan ang mga ito at sinubukang itaboy para mapunta sa malalim na bahagi ng dagat.

Agad nilang ipinaalam sa awtoridad ang sitwasyon ng dalawang dolphin nang makita nila ang baby dolphin na nasa tabi ng dalampasigan 4 p.m. Miyerkoles.

Ang ina ng dolphin ay nakita naman sa dalampasigan sa isa pang barangay. 

Upang magamot ang dalawang sugatan na dolphin, sumaklolo ang mga taga-munisipyo ng Carigara at nilagyan ng life vest ang baby dolphin.

Inilagay nila ito sa isang rubber boat at ginamot ang mga sugat.

Namatay naman ang ina ng dolphin dahil sa mga sugat sa katawan.

Ayon kay Lorna Dacara, municipal agriculture technician, tinatayang aabot sa 18 metro ang haba ng inang dolphin habang aabot sa 7 metro naman ang haba ng baby dolphin.

Kinuha ng mga kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang baby dolphin upang malapatan pa ng gamot.

Samantala, inaalam ngayon ng mga awtoridad kung ano ang dahilan kung bakit may mga sugat ang dalawang dolphin.

Umapela din sila sa publiko na huwag saktan ang mga dolphin na magpapakita sa mga dalampasigan sa halip ito’y i-report sa mga awtoridad.

Namatay naman dahil sa mga sugat sa katawan ang ina ng baby dolphin na may habang 18 metro.
Photo courtesy of Lorna Dacara.
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.