Kilos protesta laban sa batas militar, isinagawa

ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 12:52 AM

MANILA—Nagtipon ang ilang grupo sa Quezon Memorial Circle Miyerkules ng hapon, kung saan nila sama-samang itinaas at ipinaglaban ang kanilang mga saloobin laban sa pagdeklara ng martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Ayon kay Eleazar Carlos, tagapagsalita ng In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDEFEND), hindi batas militar ang solusyon sa sitwasyon sa Marawi City, kung saan nagkaroon ng labanan sa pagitan ng Maute Group at mga puwersa ng pamahalaan.

Aniya, magdadala lang ito ng malaking peligro sa taong bayan sa Mindanao. 

Dagdag pa ni Carlos na nangangamba ang kanilang grupo na gamitin ni Duterte ang martial law sa Mindanao bilang tuntungan para ideklara ito sa buong bansa.

Magkahalo naman ang paningin ng taumbayan sa pagdeklara ng batas militar sa Mindanao. Ayon kay Generosa Sarcilla, isang bystander sa lugar kung saan ginanap ang kilos protesta, mapayapa ang pamamalakad ng martial law noong termino ng dating pangulong Ferdinand Marcos. 

Kontra ito sa pananaw ni Nonie Cabatuan, na nagsabing naging magulo ito, kaya’t maaaring mauwi sa pang-aabuso ang pagdeklara ng batas militar ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.