Kasambahay, 'minartilyo' ang mga amo

ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 05:25 PM | Updated as of May 25 2017 01:15 AM

Malubha ang lagay ng isang padre de pamilya habang sugatan ang tatlong iba pang miyembro ng kaniyang mag-anak matapos pukpukin ng martilyo ng kanilang kasambahay sa Marulas, Valenzuela.

Kuwento ng isa sa mga biktima, pinasok ng suspek na si Ronnie Ralla ang tindahan at bodega na nasa loob din ng bahay ng pinagtatrabahuhang pamilya.

Nilimas nito ang credit at debit cards, pera, mga cellphone at maging ang I.D. ng mga amo.

Tiyempo naman daw na nagising ang padre de pamilyang si Simeon Herrera na pumigil at nakipambuno sa suspek.

Doon na raw minartilyo sa ulo ng suspek ang kaniyang amo.

Minartilyo rin ni Ralla ang misis, anak, at hipag ng amo na nagising nang maulinigan ang gulo.

Pati ang sumaklolong kapitbahay, sinapak ng bote at kinagat pa sa kamay ng suspek. 

Nasa ICU at ooperahan si Herrera na malubha ang mga sugat sa ulo. Nagpapagaling naman ang kaniyang mag-ina at hipag na sa ulo rin minartilyo.

Sugatan din ang suspek matapos siyang gulpihin ng iba pang kasama sa bahay ng amo.

Pang-unawa naman ang hiling ng suspek na nagawa lang daw magnakaw dahil may sakit ang mga magulang.

Nahaharap sa patong-patong na kasong tangkang pagpatay at pagnanakaw si Ralla.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.