Hataman: Maute group, unti-unti nang umaatras sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 01:36 AM

Unti-unti nang umaatras ang pwersa ng Maute group mula sa Marawi City, ayon kay Governor Mujiv Hataman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

“Ang balita sa atin ay unti-unting umaatras ang mga miyembro ng Maute kumpara kahapon at kanina,” ani Hataman sa isang pahayag sa Bandila DZMM.

Ayon sa ulat ni ARMM Vice Governor Alrashid Lucman kay Hataman, nagkaroon ng putukan kaninang tanghali ngunit tumigil na rin noong hapon at gabi.

Nakikipag-ugnayan na si Hataman sa 6th Infantry Division at Brig. Gen. Rolando Bautista ng 1st Infantry Division ukol sa seguridad at paglikas ng mga residente ng Marawi City.

“Ang sitwasyon sa Marawi ayon sa aming pag-uusap ni General Bautista, nasa clearing operations at nagpoposisyon na ang ating mga kasundaluhan and at the same time, ang aming team na pinadala kahapon at kanina,” ani Hataman.

Nakipag-usap na rin si Hataman sa presidente ng Mindanao State University (MSU) para gamitin ang Dimaporo Gym sa loob ng paaralan.

“Nagtiyak na rin ng security ang Armed Forces of the Philippines. ‘Yung provincial capitol din ng Lanao province ay handa na rin umatupag dito,” aniya.

Pinaalala ni Hataman na kailangang mag-presenta ng ID ang mga gustong pumasok sa Cotabato City. Naglabas na rin umano ang siyudad ng implementing guidelines kaugnay ng idineklarang martial law ni Pangulong Duterte. 

Ukol naman sa pagpapatupad ng curfew, naghihintay pa rin si Hataman ng koordinasyon sa mga lokal na gobyerno.

“Pero merong mga ilang LGU na nagpapatupad na rin ng curfew sakani-kanilang probinsya at ilang lugar,” aniya.

Kaugnay ng diumano’y dinukot na pari, may nakipag-ugnayan na kay Lucman pero kailangan pa rin daw ito i-validate ayon kay Hataman. 

“Actually matalik naming kaibigan iyun at kasama sa mga ilang usapin, lalong lalo na dahil isang active na peace advocate si Fr. Chito,” aniya.

Ayon sa kanilang report, may 7 kasama si Fr. Chito Suganob nang dukutin ng Maute group.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.