Exodus sa Marawi: Mga sibilyan nililikas ang putukan

ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 06:57 PM | Updated as of May 25 2017 01:04 AM

Mistulang ghost town ang Marawi City sa dami ng residenteng lumilikas mula sa bakbakan ng tropa ng gobyerno at rebeldeng Maute Group.

May mga parte pa rin ng Marawi na hawak ng mga bandido. 

Buhol-buhol din ang trapiko palabas ng siyudad dahil sa dami ng residenteng gustong umalis ng Marawi City.

May mga nagsisiksikan sa loob ng sasakyan o naglalakad na lang. Lahat sila, baon ang takot ng naranasan nitong nakalipas na araw.

Karaniwang 45 minuto lang ang biyahe mula Marawi papuntang Iligan City. Pero sa dami ng tumatakas sa bangungot ng sagupaan, inaabot ng limang oras makapasok man o makalabas ng Marawi.

Mahigpit na iniinspeksiyon ng mga pulis at sundalo sa daan ang lahat ng lumilikas para matiyak na walang humahalong rebelde na nagtatangkang tumakas.

Patay sa bakbakan

Sa huling tala, limang sundalo at dalawang pulis na ang namamatay sa bakbakan sa Marawi.

Sinasabing kabilang sa nasawi ang pulis na si Senior Insp. Freddie Solar, graduate ng Philippine National Police Academy, class of 2007. 

Sugatan ang 31 iba pang sundalo.

Sa hanay naman ng mga sibilyan, dalawa ang kumpirmadong patay sa pag-atake ng mga rebelde.

Kuwento ng ilang residente, hinarang ng mga bandido ang ilang bumibiyaheng sasakyan at pinababa ang mga sakay.

Hinarang din daw nila ang dalawang ambulansiya at pinatay ang parehong driver nito.

Kinumpirma ng lokal na gobyerno na nakuha ng Maute ang Amai Pakpak Hospital, pero umalis din ang mga terorista at nabawi ang ospital.

Ayon din sa Department of Interior and Local Government, pinasok ng 50 bandido ang City pati na ang District Jail ng Marawi. Itinali raw nila ang jail guards. Wala raw nasawi sa kulungan pero pinatakas ng mga rebelde ang mahigit 100 preso.

Pagdagsa ng mga ‘Bakwit’

Tiniis ng maraming pamilya ang matinding pagod at gutom para lang makalayo mula sa gulo. Ang ilan sa kanila, inabutan din ng malakas na buhos ng ulan.

Sila ang mga tinatawag ngayong ‘bakwit’ na mula sa salitang ‘evacuate.’

May ilang pamilyang naghihintay ng mga kaanak na susundo sa kanila para mailikas sila sa mga katabing siyudad at probinsiya.

Naghanda naman ang Iligan City Social Welfare para sa pagdagsa evacuees.

Tatlong paaralan na magsisilbing evacuation centers ng mga apektadong residente ang inihanda na.

Nakaantabay rin ang Red Cross para tumugon sa evacuees.

Mahigpit din ang pagbabantay sa mga evacuation center para masigurong ligtas ang mga bakwit.

Pero may mga naiwan pa rin daw sa ilang lugar sa Marawi gaya ng mga estudyanteng humimpil muna sa kanilang campus dahil hindi makadaan sa tindi ng traffic.

-- Ulat nina Chiara Zambrano, Ron Gagalac, at Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.