CAAP: Normal ang operasyon ng mga paliparan sa Pilipinas

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 01:28 AM

Tiniyak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nananatiling normal ang operasyon sa lahat ng mga paliparan sa bansa sa gitna ng bakbakan sa Marawi City.  

Ito ang inihayag ni CAAP spokesperson Eric Apolonio kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao. 

Ayon kay Apolonio, nasa Cagayan de Oro ang pinakamalapit na airport sa Marawi City: ang Laguindingan International Airport. Malayo pa umano ito para maapektuhan ng kaguluhang dulot ng Maute Group.

Kasabay nito, inatasan ni Transportation Undersecretary for Aviation Capt. Manuel Tamayo ang lahat ng CAAP area manager sa bansa na ipatupad ang security protocol sa loob ng mga paliparan. 

Hinimok naman ni Transportation Secretary Art Tugade ang publiko na manatiling mapagmatyag at i-report ang anumang kahinahinalang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.