BIFF, hindi nangangamba sa deklarasyon ng martial law

ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 07:58 PM

COTABATO CITY – Handa umanong depensahan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang kanilang mga sarili, ngayong nagdeklara ng martial law ang gobyerno sa buong Mindanao.
 
Ayon sa tagapagsalita ng BIFF Karyalan Faction na si Abu Amir, sila ay nananatiling nasa defensive position, at nakahandang depensahan ang kanilang mga sarili kung susugurin ng mga sundalo at pulis. 

Hindi rin umano sila nangangamba sa deklarasyon ng martial law.
 
Sa pananaw naman ng tagapagsalita ng BIFF Kumander Bungos Faction na si Abu Misry Mama, hindi raw sila natatakot sa deklarasyon ng martial law, dahil hindi na umano bago sa kanila ang pagtugis ng otoridad at pakikipagbakbakan sa mga sundalo.
 
Sabi ng dalawang grupo ng BIFF, magmamatyag daw muna sila sa mga kaganapan sa gitna ng pagpapatupad ng martial law.

Kahapon ay nagdeklara ng martial law sa Mindanao si Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa engkwentro ng mga puwersa ng pamahalaan at ng Maute Group sa Marawi City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.