PatrolPH

Oil spill sa Batangas iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 23 2023 08:41 PM

Larawan mula sa Philippine Coast Guard
Larawan mula sa Philippine Coast Guard


Iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard ang nakitang oil spill sa mga bayan ng Mabini at Calatagan na parehong malapit sa popular na tourist destination sa Batangas.

Nagising na lamang nitong Martes ng umaga ang mga residente ng Barangay Calamias sa bayan ng Mabini sa mabahong amoy na nagmumula sa tabing dagat.

Nang puntahan ng mga residente ang tabing dagat doon nila nakita ang maitim na tubig, mga bato at buhangin.

Nabahala ang mga residente dahil baka maapektuhan ang kanilang kabuhayan lalo na ang pangingisda.

Tinatayang nasa 150 metro ang lawak ng oil spill sa Barangay Calamias.

Rumesponde ang Oil Pollution Control ng Philippine Coast Guard para magsagawa ng paglilinis. Pero makalipas ang ilang oras, natunaw din ang maitim na langis matapos tamaan ng sikat ng araw at mag-high tide.

Tiniyak naman ni Municipal Tourism Officer Froilan Bueno na ligtas pa sa oil spill ang sikat na Anilao para sa mga gustong mag-scuba diving at swimming kaya walang dapat ikabahala ang mga turista.

Nakita rin ang manipis na langis o oil sheen sa dagat na sakop ng Barangay 4 sa bayan ng Calatagan, na isa ring sikat na tourist destination.

Ayon kay Batangas Coast Guard Station Commander Capt. Victorino Acosta, imposibleng galing sa oil spill sa Oriental Mindoro ang namataang langis sa mga bayan ng Mabini at Calatagan.

Paliwanag ni Capt. Acosta, kung galing ang oil spill sa Mindoro dapat ang unang tatamaan nito ay ang Isla Verde.

Iniimbestigahan ngayon ng Philippine Coast Guard kung galing sa mga pabrika sa paligid ng Mabini ang langis o kaya ay nagmula sa mga barkong dumadaan.

Nilinaw naman ng Philippine Coast Guard na hindi pa nakakaalarma ang oil spill sa Mabini at Calatagan at sa ngayon ay kontrolado umano nila ang sitwasyon.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.