PatrolPH

Ilang kongresista, pinuna ang P25,000 halaga ng body cam ng mga pulis

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at May 23 2023 08:36 PM


MAYNILA - Kinuwestiyon ng ilang mga kongresista sistema ng paggamit ng body cam ng mga pulis.

Sa Congressional inquiry noong Lunes, ipinaliwanag ng mga pulis sa mga mambabatas ang sistema ng kanilang mga body-worn cameras. 

Mula sa paglagay ng camera sa charging dock kung saan nada-download agad sa computer ang laman na videos hanggang sa monitoring. 

Pero namamahalan ang ilang kongresista sa halaga ng body-worn camera ng Philippine National Police (PNP) na nasa P25,000 per unit dahil naniniwala silang sa P7,000 hanggang P10,000 ay nakakabili na ng kaparehong camera na may halos parehong specifications.

Harap-harapan namang sinubukan ni Rep. Dan Fernandez ang tibay ng body-worn camera at ibinato ito sa sahig. Gumana pa rin naman ito. 

Ayon naman sa technical officer ng PNP, malayo ang kalidad ng kanilang body camera sa mga normal na body camera dahil military grade na ito at pwedeng may live streaming.

"Malayo quality sa'min military grade at pwedeng may live streaming...“ ani PMaj. Mark Pagulayan, technical officer ng PNP Command Center.

Sabi naman ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan, may kakulangan sa sistema ang PNP pagdating sa body cam at kailangang ayusin ito. Importante rin umano na non-uniform personnel na magte-training sa kanila.

Pinuna rin ng mga kongresista ang sinabi ng mga pulis na bawat anim na buwan ay mabubura na ang files. 

Anila, hindi dapat ganito ang nangyayari dahil mahalagang ebidensya ang mga kuha ng body cam.

Binigyan pa umano sila ng petabytes o malaking memory para gamitin ito kaya dapat walang mabura.

Bukod sa paggamit bilang ebidensya, magagamit din umano ito sa pag-analyze sa trabaho ng mga pulis.

Ayon sa PNP, sa ngayon, 48 ang hindi gumagana o under repair sa mga naunang nabili na mahigit 2,000 na body cameras. Hiling ng pulisya na makabili ng dagdag na 42,000 units ng body cameras.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.