PatrolPH

Gov't adviser isinusulong ang 2nd booster para sa mga manggagawa kontra COVID

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at May 23 2022 05:42 PM

Pagbibigay ng second booster shot kontra COVID-19 sa mga senior citizen at medical frontliner sa San Juan City noong Mayo 20, 2022. Jire Carreon, ABS-CBN News
Pagbibigay ng second booster shot kontra COVID-19 sa mga senior citizen at medical frontliner sa San Juan City noong Mayo 20, 2022. Jire Carreon, ABS-CBN News

Matapos matukoy sa Pilipinas ang nakahahawang omicron subvariant na BA.4, naniniwala ang medical adviser ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na napapanahon nang buksan para sa mga manggagawa ang pagbabakuna ng ikalawang booster shot kontra COVID-19.

Ayon kay Dr. Ted Herbosa, kung higit apat na buwan na mula nang mabakunahan ang mangagagwa ng unang booster shot, dapat payagan na rin silang tumanggap ng dagdag na dose.

"We need to protect the workers also that's moving around. Why not give them, the frontline workers as well, their second booster?" paliwanag niya.

“I’d rather use them than them being wasted in the warehouses. So I’d rather give them to people who want them,” dagdag ni Herbosa.

“We are calling on all the authorities also to try to facilitate this. We’re happy they allowed the healtchare workers, and it’s timely. We already have a report of a BA.4, which is highly transmissible,” aniya.

Pero ayon kay infectious disease specialist at vaccine expert panel member Dr. Rontgene Solante, wala pang sapat na datos na nagpapakitang kailangan na ng ikalawang booster ng mga inidbiduwal na hindi kabilang sa itinuturing na vulnerable population.

Nauna na ring sinabi ng World Health Organization na wala pang sapat na pag-aaral na nagpapakitang may malaking benepisyo ang dagdag na booster para sa kanila. 

Sa ngayon kasi, mga health worker, senior citizen at immunocompromised individuals pa lang ang puwedeng bakunahan ng ikalawang booster sa Pilipinas.

"I don’t see the need yet that those general population, especially less that 50 years old, would be getting a second booster just because there is these variants. We need data," ani Solante.

Base sa guidelines ng Department of Health (DOH), kabilang sa immunocompromised group ang mga nasa immunodeficient state, may HIV, active cancer o malignancy, transplant patients, mga sumasailalim sa steroid treatment, bed-ridden, at iba pang immunodeficiency condition, base sa sertipikasyon ng doktor.

Pero ayon kay Solante, dapat ikonsidera ang pagbibigay ng booster pati sa mga may comorbidities o sakit, kahit hindi sila bahagi ng immunocompromised na populasyon.

"Even if you are a 40-year-old and you are a diabetic and you are COPD (chronic obstructive pulmonary disease), then that would make you two or three times higher to get the severe infection, even if your age is less than 50. Those are the population that we need to more or less reconsider getting the 2nd booster," aniya.

Muling nagpaalala ang DOH at health experts sa mga kuwalipikado na tiyaking updated ang bakuna, para mapanatili ang mataas na proteksiyon kontra COVID.

Ayon kay Solante, ngayong nasa bansa na ang BA.4, posibile itong maging sanhi ng pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.

Pero wala aniyang sapat na datos na nagpapakitang mas malala ang sintomas na dulot ng naturang omicron subvariant.

Samantala, hinihintay pa rin ang desisyon ng Food and Drug Administration kaugnay ng emergency use authorization para sa booster ng mga batang 12 hanggang 17 years old.

Base sa pinakahuling datos, nasa 69.3 milyong indibidwal na ang fully vaccinated kontra COVID-19 sa Pilipinas. 

Nasa 77 million o 70 porsiyento ng kabuuang populasyon ang target mabigyan ng kumpletong bakuna sa katapusan ng Hunyo. Samantala, 13.8 million pa lang ang may unang booster o dagdag na dose.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.