Apektado na ang ilang Pilipino sa Sri Lanka sa kinahaharap na krisis sa ekonomiya ng nasabing bansa.
Nabaon kasi sa $51 bilyon ang utang ng Sri Lanka, dahilan para maparalisa ang kanilang ekonomiya.
Nababahala tuloy sa kanilang situwasyon ang ilan sa mga Pinay na naroon.
Ayon kay Zeny Gadut, na tumatayong adviser ng Filipino community sa Sri Lanka, pahirapan na ang commodities at transportasyon.
Bukod sa taas ng presyo ng gasolina, inaabot pa ng 24 oras ang pila para lang makapagpakarga nito.
Nagkakaubusan na rin aniya ng supplies sa mga grocery.
"Sa stock ng pagkain, nawawalan na po kasi sa mga food center. Wala nang laman ang shelves, maging milk wala na at ang iba pang essential items," ani Gadut.
Dahil dito, mas lumakas ang panawagan ng mga Pilipino na magkaroon ng sariling embahada ang Pilipinas sa Sri Lanka.
May konsulado umano pero Sri Lankan nationals naman ang namumuno.
Isa pa sa problema ng mga Pinoy sa Sri Lanka ang presyo ng ticket pauwi sa Pilipinas, kaya hirit nila sa gobyerno ay repatriation program.
"Talagang napakamahal po, doble ang presyo. Dati 150,000 rupees, round trip na 'yon, ngayon nasa 300,000 to 500,000 [rupees]," ani Gadut.
Aabot sa 700 Pilipino ang nagtatrabaho at naninirahan sa Sri Lanka.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.