2 patay matapos 'manlaban' sa drug bust ng PNP sa Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at May 23 2021 11:35 PM

MANILA - Patay ang dalawang lalaki matapos umano silang manlaban sa operasyon kontra ilegal na droga ng pulisya sa Muntinlupa City. 

Ang mga napatay ay mga miyembro umano ng ng kilabot na Divinagracia group, ayon sa PNP Drug Enforcement Group at NCRPO Regional Drug Enforcement Unit sa Muntinlupa City. 

Sa inisyal na imbestigayon, magpapalitan na ng pera at kontrabando ang mga lalaki at poser buyer ng pulisya nang nakatunog umano ang mga ito na pulis ang mga katransaksyon. 

Nagtangka umanong tumakas ang dalawa, lulan ng isang itim na sasakyan. 

Nagpaputok umano mga suspek dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng dalawa. 

Ayon kay PNP Chief Guillermo Eleazar, nasamsam mula sa mga suspek ang aabot sa 10 kilo ng hinihilang shabu na nagkakahalaga ng P60 milyon at dalawang .45 kalibre na baril.

Ayon kay Eleazar, nag-ooperate ang Divinagracia group sa Region 6 ngunit sa Metro Manila umano nanggagaling ang kontrabando. Konektado umano ang lider ng grupo na si Michael Divinagracia sa isang Chinese national na itinuturong source ng ilegal na droga.