Timeline sa agad na pag-uwi ng OFWs mula 14-day quarantine ikinakasa

ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 03:58 PM

Magpapatupad na ng tiyak na timeline ang Department of Labor and Employment (DOLE) para makauwi agad ang mga overseas Filipino worker na naka-quarantine sa mga pasilidad ng gobyerno matapos ma-repatriate. 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, dapat makaalis na sa mga pasilidad ang OFWs limang araw matapos ang kanilang quarantine period. 

"The IATF (Inter-agency Task Force) committed, lilimitahin na nila iyong timeframe para sa ganoon, after iyong 14 days quarantine, in about 5 days makakalabas na iyong ating OFWs," ani Bello sa Laging Handa briefing Sabado. 

Kasunod ito ng mga ulat ng mga OFW na nananatili pa rin sa tinutuluyang quarantine facilities at hinihintay pa rin ang resulta ng kanilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) test kahit lagpas na sa itinakdang 2-linggong quarantine. 

May ilan na sinabing inabot sila nang 25 araw sa loob ng quarantine facilities. 

Sa ilalim ng protocol ng gobyerno, ang mga uuwing overseas Filipino workers ay dapat manatili sa quarantine facility nang 14 araw bago tuluyang umuwi sa kanilang mga pamilya. 

Bukod sa quarantine, nagsasagawa ng swabbing at iba pang test sa OFW para masigurong wala silang coronavirus bago makapiling muli ang kanilang mga mahal sa buhay. 

Napaulat din ang ilang insidente kung saan umalis na sa pasilidad ang mga OFW bago pa lumabas ang resulta ng swab test, bagay na binabantayan ng pulisya. 

Samantala, nasa P1.3 bilyon na halaga ng ayuda ang naipamahagi ng pamahalaan sa 130,000 OFWs na nawalan ng trabaho o hindi nakapagtrabaho dahil sa quarantine, ayon kay Bello. 

May P2.5 bilyon ang kabuuang budget ng pamahalaan para rito kaya inaasahang mas marami pang OFWs ang makikinabang.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.