Sa ika-3 anibersaryo ng Marawi siege, banta ng COVID-19 sa mga survivor pinangangambahan

ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 06:20 PM | Updated as of May 23 2020 07:27 PM

Tatlong taon mula nang sumiklab ang limang-buwang giyera sa Marawi City, Lanao del Sur, pinapangambahan ng ilan ang kawalan umano ng maayos na tirahan ng mga survivor ng siege, na dinagdagan pa ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Noong 2017, nilusob ng Maute group ang Marawi City, bagay na nagtulak kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay sa ilalim ng martial law ang buong Mindanao.

Ayon kay Atty. Alberto Muyot, Chief Executive Officer ng Save the Children Philippines, mahirap ang sitwasyon sa mga transitory shelters sa Marawi dahil limitado ang mapagkukunan ng malinis na tubig, banyo, at iba pang hygiene facilities. 

Pinakaapektado​ aniya dito ang mga bata na karamihan ay dumaranas na ng malnutrisyon at iba pang sakit dahil sa kakulangan ng healthcare at food supplies. 

"Children bear the brunt of armed conflict as they suffer from severe malnutrition, diseases including COVID-19 as healthcare and food supplies are disrupted," ani Muyot.

Mula Mayo 22, may siyam na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Lanao del Sur at tatlo na ang namatay, at ipinapatupad pa rin ang general community quarantine sa lalawigan hanggang katapusan ng buwan. 

Kamakailan, namahagi ang Save the Children ng handwashing facilities sa mga checkpoint at quarantine area sa Marawi. Inabutan din ng grupo ng hygiene kits at school supplies ang mga bata, habang binigyan naman ng food packs ang mga medical frontliner sa siyudad. 

Tumulong din ang organisasyon sa pagpapagawa ng mga banyo kung saan may temporary learning spaces. 

"We are harnessing resources, local and foreign, to ensure that the affected people of Marawi are never forgotten," ani Edwin Horca, pinuno ng Save the Children Philippines sa Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao.

Sang-ayon dito si Vice President Leni Robredo, na nagsabing mas nagiging mapeligro para sa mga residente ng Marawi na manirahan sa mga temporary shelter dala ng banta ng sakit. 

“Any outbreak in these tightly packed communities will increase the risk for all of us, and affect a public health system that is already under tremendous strain,” ayon kay Robredo sa isang pahayag. 

Sa tantiya ng Liberal Party, ang partido ni Robredo, nasa 80,000 ang bilang ng mga apektadong residente. 

Sinabi naman ni Task Force Bangon Marawi chairperson at Housing Secretary Eduardo del Rosario na aarangkada na ang rehabilitation project ng Marawi City sa Hulyo, matapos aprubahan ng gobyerno ang 2020 budget para rito. 

“Kaya umasa kayo na sa pagpasok ng buwan ng Hulyo, full blast na ang paggawa ng mga proyekto,” ani del Rosario. 

Iginiit naman ni Bangsamoro Transition Authority Parliament Member Zia Alonto Adiong na doble-trabaho ang pamahalaan ngayon dahil bukod sa Marawi rehabilitation, abala rin ito sa pagtugon sa pandemyang dulot ng coronavirus disease 2019.

"Kinakailangang sa ngayon, like 3 years matagal na rin nag-aantay ang ating kababayan na mabalik sa normal. Mahirap na intindihin kung ano ang normal sa ngayon dahil nga ang normal na sinasabi nila mag-wear ka face mask, mag-maintain ka ng social distancing. Pero 'yung normal kasi sa marami 'yung previous na buhay ng mga tao bago nangyari 'yung Marawi seige na pinag-uusapan​ natin ngayon," pahayag ni Adiong.

Sabi ni Adiong, kasama naman sa nabigyan ng ayuda para sa COVID-19 ang mga pamilyang naapektuhan ng Marawi seige.

"Definitely, what they need right now is to have sustainable livelihood programs on top of the provisions or the relief goods that [are] distributed to them," sabi niya.

-- May ulat nina Michael Delizo, Rod Bolivar, at Davinci Maru, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.