P81.6M halaga ng droga nasabat sa Taguig: 2 patay sa engkwentro

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 05:32 AM | Updated as of May 23 2020 05:33 AM

Dead on the spot ang 2 lalaki na nakipagbarilan sa mga pulis at nakuhanan ng P81.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa may C-6 Road, Lower Bicutan, Taguig nitong Biyernes. 

Ayon kay Police Col. Celso Rodriguez, hepe ng Taguig Police, nagkasa ng buy-bust operation ang mga pulis at nagpanggap na bibili ng droga sa dalawang suspek.

Pagkatapos ng transaction, nakaramdam umano ang dalawa na operatiba na ang kausap. Kaya iniwan ang kotse at sumasakay sa pick up na nagsilbi umanong getaway vehicle. 

Nagpaputok umano ang mga suspek ng baril kaya nauwi sa engkwentro at habulan. 

Naputukan ang isang police mobile pero hindi naman natamaan ang mga pulis. 

Ayon sa pulis, kilabot na drug pusher ang mga suspek. 

Nakuha sa kanila ang isang baril at submachine gun at nakita rin ang 12 kilo ng hinihinalang shabu.

Nakalagay pa sa Chinese tea bag packaging ang mga droga, pareho sa mga droga na nasabat rin sa mga drug operation nitong mga nakalipas na mga buwan. 

Inaalam na ng mga pulis kung anong drug group nabibilang ang mga suspek at kung konektado ba itong mga suspek sa iba pang mga drug operation sa Metro Manila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.